Inilabas na ni Kristoffer Martin ang pinakabago niyang single na "Lagi Na Lang," na tungkol sa isang lalaking laging naghahabol sa mga babaeng hindi naman siya gusto.

Ayon kay Martin, bagama't may pagkadesperado ang lalaki sa lyrics, mayroon namang aral na matututunan sa awitin.

"'Yung Lagi Na Lang, tine-take ko siya as kung paano mo ii-improve kasi 'yung sarili mo," sabi ni Martin sa GMA News Online nitong Huwebes, ang mismong araw din ng release niya ng awitin.

"Kasi 'yung song desperate na siya eh, 'yung message kasi ng song sobrang desperate na ng taong kumakanta, na wala na siyang nakukuha, umaasa siya, lagi na siyang nasasaktan, kumabaga ayun na 'yung room for improvement eh. Kumbaga alam na niya sa sarili niyang may mali siya," ayon kay Martin.

ADVERTISEMENT

Sa halip na mag-focus sa sakit, sinabi ni Martin na dapat pagtuunan na lamang ang mga positibong bagay.

"Kaya para hindi na lang na lagi siyang nasasaktan, baligtarin niya 'yung 'lagi' niya. Lagi na lang siyang masaya. Ganoon dapat. Kumbaga i-improve niya, baguhin niya 'yung sarili niya para hindi siya nasasaktan," anang aktor.

Na-experience na rin daw ni Martin ang maghabol noon.

"Kasi siyempre may mga times na na-experience ko 'yang ganiyan, 'pag naghahabol ako tapos wala, ayaw talaga. Na-experience ko 'yan."

 

 

Mapakikinggan ang single ni Martin na "Lagi Na Lang" sa iba't ibang digital stores. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News