Napaluha ang Dabarkads at "Eat Bulaga" studio audience nitong Huwebes nang itampok ang mga stepmother na nagpahayag ng kanilang pagmamahal sa kanilang stepchildren.

Naging panauhin para sa naturang episode ang fitness, wellness enthusiast at aktres na si Jackie Lou Blanco.

Ang nanay na si Linda, may mga stepchildren pero walang sariling anak. Naging magkarelasyon na sila ng kaniyang mister noong mga bata pa sila pero naghiwalay din.

Nagkaroon ng ibang asawa at pamilya ang mister, pero pumanaw ang naunang asawa nito. Matapos nito, muli silang nagkabalikan ni Linda.

"'Tay, kahit iniwan mo ako at binalikan. Nandito ka pa rin sa puso ko... Mahal na mahal pa rin kita kasama ang mga bata habang ako'y nabubuhay," mensahe ni Linda sa kaniyang mister.

Si Nanay Neneng naman na may anim na stepchildren, mabigat ang pinagdadaanan dahil maysakit ang kaniyang mister. Mas nakadagdag naman sa kaniyang iniinda na lumalaban daw sa kaniya minsan ang kaniyang stepchildren.

"Masarap pero mahirap... Naaawa po ako sa kaniya kasi mabait siya sa amin... Minsan kasi lumalaban 'yung mga anak niya sa akin," sabi ni nanay Neneng.

Napaluha rin ang Eat Bulaga studio sa pagbabati ni Mommy Tin sa mga stepchildren niyang sina Kim at Evone.

"Ma, I love you po. Sana po magkabati na po tayo," mensahe ni Kim kay Nanay Tin.

"Nu'ng napagalitan ko po kasi siya sinigawan po niya ako," sabi ni Tin.

Sinabi naman ni Tin na para sa kinabukasan nila ang mga ipinapayo niya sa kanila.

"Mga anak, lagi niyong tatandaan na kahit hindi kayo nanggaling sa sinapupunan ko, nanggaling kayo sa puso ko. Kaya minsan napapagalitan ko kayo kasi gusto ko magkaroon kayo ng magandang kinabukasan, tahakin niyo 'yung tamang landas," ani Tin.

"'Yun lang naman 'yung hangad ng isang ina sa isang anak. Hindi ko kayo itinuring na ibang bata o anak kayo ng papa niyo, itinuring ko kayo na parang akin. Lahat kayong mga anak ko mahal na mahal ko kayo, lagi niyong tatandaan 'yon," sabi pa ni Tin. —Jamil Santos/LDF, GMA News