Humingi ng panalangin ang aktor na si Arjo Atayde matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang kaniyang mga magulang na sina Sylvia Sanchez at Arturo Atayde.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing nagparating ng pasalamat si Arjo sa mga nagpahatid ng pag-alala at pagmamahal.

Sinabi ni Arjo sa kaniyang Instagram post na kahit mahirap at "anxiety-inducing" ang kaniyang pinagdaraanan, nagpapakatatag naman ang kaniyang pamilya dahil sa mga mensahe ng pagmamahal.

ADVERTISEMENT

 

 

Isang linggo raw matapos ang self-isolation at swab test, bumubuti na raw ang lagay ng kaniyang mga magulang.

Masaya raw sila na makita ang mga magulang "in high spirits," kahit natatagalan ang paggaling ng mga ito.

Sa kanilang pagkakaalam, wala pa sa mga nakasalamuha ng kanilang mga magulang bago ang enhanced community quarantine na nagpapakita ng sintomas sa kasalukuyan.

Wala rin daw silang kasamahan sa bahay na nagpapakita ng sintomas ng COVID-19.

Humingi rin si Arjo na patuloy na ipagdasal ang kaniyang mga magulang.--Jamil Santos/FRJ, GMA News