Aminado ang Kapuso actress na si Max Collins na isang hamon para sa kaniya na magbigay-boses sa karakter ni Birheng Maria sa seryeng "Jesus: His Life" na mapapanood sa GMA-7.

“Napakahirap," saad ni Max sa Kapuso Showbiz News. "Siyempre kasi si Mama Mary 'yon. Hindi kung sinu-sino lang na character. So, siyempre na-pressure ako but I'm thankful na I got through it, thanks to my wonderful director."

WATCH: Ang behind-the-scenes sa dubbing session ng ‘Jesus: His Life’

Ayon sa aktres, bilang Christian ay malapit sa puso niya ang kuwento ng buhay ni Hesus.

"So I'm just really thankful to be a part of the series,” saad niya.

Itinuturing din niyang kakaibang karanasan ang pagda-dub na hindi umano madali kaya hanga raw siya sa mga nasa ganitong trabaho.

“I think it's different and similar at the same time," patungkol niya sa pagda-dub at pag-arte.

"Similar siya kasi kailangan mo pa rin umarte, kasi kailangan may emotions pa rin," anang aktres.

Ipinaliwanag ni Max na sa pag-arte, kailangang makita ang emosyon sa kanilang mukha, habang sa boses naman dapat ipadaan ng mga nagda-dub ang kanilang emosyon.

"Iba pa rin 'yung voice acting and how it translates sa show," dagdag ni Max.

"When you only use your voice, mahirap talaga siyang i-translate 'yung emotion na gusto mong iparating sa audience. So I have a great respect for people who dub,” ayon pa sa aktres.

Ang "Jesus: His Life," ay mapapanood simula sa Maundy Thursday hanggang Black Saturday sa GMA-7.--Jamil Santos/FRJ, GMA News