Nilinaw ng ina ng komedyanteng si Babajie o Alfredo Cornejo Jr. sa totoong buhay, na walang kinalaman sa COVID-19 ang dahilan ng pagpanaw ng kaniyang anak, na mayroon din umanong tanging hiling.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, inihayag ni Minda Cornejo, ina ni Babajie, na tuberculosis at malnourishment ang dahilan ng pagpanaw ng 35-anyos na komedyanteng napapanood sa "Bubble Gang."

Dakong 3 p.m. umano nitong Lunes nang bawian ng buhay si Babajie, at kasama niya sa huling sandali ang kaniyang ina.

Inalala pa ni Aling Minda ang tanging hiling sa kaniya ng anak.

"Dadaan kami sa Dangwa, titingin kami ng bulaklak. 'Yun ho ang number one niyang sinabi, 'Mama gusto ko maraming bulaklak,'" kuwento ni Aling Minda.

Ayon kay Aling Minda, maalalahanin at may malasakit sa pamilya si Babajie, na labis niyang mami-miss.

"Lagi niya po akong pinagbabawalan ng matatamis na pagkain. 'Huwag ka mama kumain niyan, magkakasakit ka. Ayoko mama na magkasakit ka.' Kasi po 'yung papa niya namatay sa diabetes. Maalalahanin 'yun, hindi uuwi 'yon na walang pasalubong sa amin," kuwento pa ni Aling Minda.

Madalas napanonood si Babajie sa Kapuso comedy gag show na "Bubble Gang," at naitampok din sa "Kapuso Mo Jessica Soho."

Ang kapwa niya ka-'Bubble' at kaibigang si Diego Llorico, nalulungkot at emosyonal sa kaniyang pagpanaw.

"Sana masaya na siya ngayon kasi hindi na siya mahihirapan. Nalulungkot talaga ako kasi nasanay na ako na kasama siya sa mga taping, sa feeding program. Tapos madalas niya akong pinupuntahan sa bahay kasi mag-isa lang ako rito," ani Diego.

Nagdadalamhati rin si Arny Ross sa pagkawala ni Babajie, na inilarawan niyang may mabuting puso.

"Recently, halos magkakasama kami palagi sa feeding program ni Mama Diego, sumasama ako doon and kasama rin namin siya nagpapasaya ng mga tao. Kumakanta 'yan eh, napakabuting tao, napakabuti ng puso ni Babajie. Gusto niya lang palaging magpasaya ng mga tao. Rest in peace Babajie," sabi ni Arny.

Nagpaabot din ng pakikiramay sa pamilya ni Babajie ang iba pang "Bubble Gang" at Kapuso stars.--Jamil Santos/FRJ, GMA News