Inihayag ni Jennylyn Mercado ang kaniyang suporta at paghanga kay Mark Herras na nag-trending ang TikTok dance videos kamakailan.

Sa kaniyang Facebook page, nag-share si Jennylyn ng ilan sa mga TikTok dance moves ng kapwa niya StarStruck Batch 1 at "Bad Boy ng Dance Floor" na si Mark.

"Ginalingan naman po masyado! #Topaks" caption ni Jennylyn.

Nagbahagi pa si Jennylyn ng isang throwback video ng kulitan nila ni Mark sa pagsayaw sa "Talk Dirty To Me."

Topaks ang tawag sa fans nina Mark at Jennylyn.

Parehong itinanghal sina Mark at Jennylyn bilang Ultimate Male and Female Survivor ng "StarStruck" Season 1, at naging magkatambal sa mga GMA shows tulad ng "Rhodora X" at "Ikaw Sana."

Nagkasama rin sila sa drama thriller na "The Cure."

Dati rin silang naging magkasintahan, at kahit nagkahiwalay ay nananatiling mabuting magkaibigan.--FRJ, GMA News