Inihayag ni Paolo Contis na nasa #Acting102 na sila ng kaniyang anak na si Baby Summer, kung saan sumalang naman ito sa matinding iyakan habang on cue sa music. Panoorin ang super cute na bonding ng mag-ama.

Sa Instagram ni Paolo, mapapanood na nagbigay siya ng orientation sa kaniyang anak na mabigat na eksena ang kanilang kukunan.

Nang mag-ready, kinanta na ni Paolo ang "True Colors" sa malungkot na tono.

 

ADVERTISEMENT

 

Hindi napigilan ni Baby Summer na umiyak, pero agad din siyang tumigil nang sabihin na ng "direktor" na si Paolo na mag-cut.

"Madaming nag tatanong sakin kung kailan ako mag lalabas ng bagong #Acting101 ni Summer... Hindi niyo lang alam na never kami huminto ng training! Sa katunayan, nasa advanced class na kami! Nasa #Acting102 na kami!" saad ni Paolo sa Instagram.

"[U]sing music for actor’s cue and letting go agad pag cut ni direk! Perfect na po niya ito! #SummerSerye," dagdag pa niya.

Pabiro ring sinabi ni Paolo na handa na raw sumalang si Baby Summer sa taping sa GMA Network.

"[P]aging @gmanetwork pwede na daw mag taping si Summer! Okay lang daw sa kanya kahit habang ECQ! PS. Hindi ko po siya kinurot ha! Sensitive talaga siya sa music, lalo na pag malungkot mo kantahin!"

Napahanga na rin ni Baby Summer ang netizens noong seven-month-old siya nang ipakita niya ang pag-iyak niya on cue.--FRJ, GMA News