Napa-throwback sina Barbie Forteza at Joshua Dionisio nang muling ipalabas sa Kapuso Network ang Pinoy adaptation ng hit Korean drama na "Stairway To Heaven" kung saan gumanap silang bilang ang mga batang sina Jodi at Cholo.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras," sinabing nakilala muna si Barbie bilang si young Jodi bago pa man siya tawaging "Kapuso Drama Princess."

Naalala pa ni Barbie noong lumuwas siya ng Biñan, Laguna para sa audition.

"Kakaibang experience 'yun kasi first time kong mag-audition sa harap ng direktor. Usually kasi sa harap ng caster, hindi 'yung talagang harap ng direktor kasi usually ang direktor sa taping mo na makikita eh pero 'yun talaga, very hands on si binibining Joyce Bernal," sabi ni Barbie.

Major throwback nga raw ang muling pagpapalabas ng Stairway To Heaven kung saan mapanonood ang 12-anyos na si Barbie sa isa sa kaniyang biggest break sa showbiz.

Sa "Stairway To Heaven" din umusbong ang "JoshBie" loveteam nina Barbie at Joshua.

ADVERTISEMENT

Napa-reminisce naman si Joshua sa kanyang dating ka-love team.

"'Yung kakulitan no'n (Barbie) talaga eh, iba rin talaga 'yung mga comedy talaga nu'n. Masaya talaga siya katrabaho," sabi ni Joshua.

Matapos ang Stairway To Heaven, naging sunod-sunod na ang mga proyekto ng "JoshBie," na nagsamang muli sa "First Time," "Pilyang Kerubin," "Nita Negrita" at "Reel Love Presents Tween Hearts," kung saan nagkaroon din sila ng maraming fans.

"Sobra, sigurado po ako talagang matutuwa kasi every time lagi ko silang nakikita sa mga comments, talagang hindi nawawala," sabi ni Joshua.

Tumigil si Joshua sa pag-aartista matapos ang ilang proyekto para pagtuunan ang kaniyang pag-aaral sa industrial engineering.

Samantalang si Barbie, tuloy-tuloy naman ang karera sa showbiz.

Gaya ng counterpart niyang si Park Shin-hye na gumanap ding young Jodi, nagbukas kay Barbie ang maraming oportunidad dahil sa Stairway To Heaven, na bumida sa ilan pang Kapuso shows.

Nadikit din si Barbie sa ilang love teams sa mga pinagbidahang "Inday Will Always Love You," "The Half Sisters," at "Paroa: Ang Kwento ni Mariposa" na katambal niya si Derrick Monasterio.

Ka-love team din ni Barbie si Andre Paras sa "That's My Amboy."

Ang real-life boyfriend na si Jak Roberto naman ang leading man niya sa "Kara Mia."

Bago nito, ang kanilang pagtitinginan ay nagsimula sa set ng "Meant To Be" na napapanood ngayon sa Kapuso Primetime.

Habang pinapanood ito ni Barbie, bumabalik din ang kilig at happy memories niya dahil hindi lang isa kundi apat na lalaki ang kaniyang naging love interest.

Bukod kay Jak, nariyan din sina Ivan Dorschner, Addy Raj at Ken Chan.

"Masaya, masaya 'yung buong taping, 'yung working environment namin, from the director, to the co-artists, lahat magaan," sabi ni Barbie. —Jamil Santos/LBG, GMA News