Dobleng saya ang nararamdaman ng GMA News reporter na si Saleema Refran. Bukod kasi sa gumaling ang kaniyang pneumonia, negatibo pa ang resulta ng kaniyang COVID-19 test.


Sa kaniyang Facebook account, ipinost ni Saleema ang kaniyang larawan ng "ngiting tagumpay" sa likod ng face mask habang nasa ospital.

"Ngiting napagtagumpayan ang Pneumonia. SARS-CoV-2: NEGATIVE. Outlook sa buhay: POSITIVE na POSITIVE," saad ni Saleema sa caption ng larawan.

Nagpasalamat din si Saleema sa lahat ng nagdasal at tumulong para sa kaniyang paggaling.

"Salamat sa mga magagaling kong duktor Dr Elsie Baronia-Locson LC Elle and Dr Sheena Marie Anne Santos,"panimula niya. Salamat sa mga nag-alaga sa akin sa buong ospital. Di ko po kayo malilimutan. Salamat din sa mga magagaling na duktor at medical personnel ng QC Health."

Nagpasalamat din ang Kapuso reporter dahil sa pagkumbinsi raw sa kaniya na hindi niya dapat balewalain ang kaniyang hika.

Kabilang si Saleema sa mga Kapuso reporter na patuloy na nangangalap ng balita mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine.--FRJ, GMA News