Pinasalamatan ni Chynna Ortaleza si Chef Boy Logro dahil ginabayan siya nito para manumbalik ang kaniyang confidence sa pagluluto.

"Actually I was very surprised when they called me and said they wanted to me to co-host with Chef Boy, kasi wala talaga akong alam sa pagluluto," kuwento ng "Idol sa Kusina" co-host sa Kapuso Showbiz News.

Ayon kay Chynna, focus daw niya noon sa kaniyang career sa acting kaya hindi niya gaanong natutukan ang pagluluto. Kaya kahit nagkapamilya na, saad ng Kapuso host-actress na wala siyang gaanong background tungkol dito.

"Pero what's nice about Chef Boy is he's a very patient teacher. He doesn't make you feel na, 'Ano ba 'yan wala namang kuwenta 'yung assistant ko.' Sinasabi niya sa akin na practice lang daw tsaka huwag daw akong matakot na mag-experiment at magtanong," sabi ni Chynna.

"After a year sa 'Idol sa Kusina,' doon ko siguro na-feel na tinubuan na ako ng confidence pagdating sa pag-assist kay Chef Boy and masaya din kasi kumbaga life skill ang natuturo niya sa akin," dagdag pa niya.

At nagagamit daw ni Chynna ang kaniyang cooking skills ngayong panahon na naka-lockdown dahil sa pandemic.--Jamil Santos/FRJ, GMA News