May aso, may pusa, ngayon naman ay isang ibon na African Grey Parrot ang nadagdag sa listahan ng mga alagang hayop ni Ken Chan.

Sa panayam ng GMA News "Unang Hirit" nitong Miyerkules, sinabi ni Ken na Pasha, ang pangalan ng kaniyang parrot.

“May aso ako, may pusa ako. Ngayon naman, mayroon akong parrot bird. Ang pangalan niya Pasha. Ibig sabihin ng Pasha sa Russian word, small," paliwanag niya.

Ayon sa aktor, nagbibigay sa kaniya ng kasiyahan ang mga alaga lalo na ngayong lockdown.

“Every time na inaalagaan ko sila, nakikita ko sila, nakakatulong sila ngayon sa lockdown. Napapasaya nila ako kahit papaano,” saad ni Ken.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Ken kung bakit nagiging emosyonal siya sa tuwing nagdadasal para sa mga frontliner tulad sa nakaraang Facebook live nila na #HealingHearts.

"Talagang 'di ko napigilang lumuha kasi naalala ko 'yung mga frontliner and may mga kamag-anak din kasi kami na mga frontliner din," ayon kay Ken.

“'Yung mga sakripisyo na ginawa nila para mapabuti tayong lahat. Tsaka naaalala ko 'yung mga taong sumakabilang buhay dahil sa virus na 'to," dagdag niya.

Sa kabila ng lahat, naniniwala si Ken na matatapos din ang nararanasang krisis sa pandemya. --FRJ, GMA News