Nagkunwaring buntis gamit ang pregnancy test ang Kapuso star na si Yasmien Kurdi para tingnan kung ano ang magiging reaksyon ng kaniyang mister na si Rey Soldevilla at anak nilang si Ayesha, kung sakaling madadagdagan na ang kanilang pamilya.

“Katuwaan lang naman po ito dahil marami po nagtatanong sa amin kung bakit daw kami walang kasunod [si Ayesha]? Bakit daw wala kaming baby number two? Bakit daw walang kasunod si Ayesha dahil malaki na daw," saad ni Yasmien

“Pero kung bibigyan naman kami ni Lord ng another baby, eh di why not, coconut? Magiging masayang masaya po kami na magkaroon ng another baby,” dagdag niya.

Para maisagawa ang kaniyang prank, ginaya pa ni Yasmien ang napanood niya sa Youtube tungkol sa paraan kung papaano mapapalabas na positive ang pregnancy test gamit lang ang ihi at toothpaste.

Pero nabigo sa naturang taktika si Yasmien kaya gumawa siya ng iba paraan para mapalitaw ang dalawang guhit sa pregnancy test na indikasyon na buntis ang isang babae.

Nang inakala ni Ayesha na "buntis" ang kaniyang mommy, napatalon sa tuwa ang bata sa pag-aakalang magiging ate na siya. Panoorin ang video at alamin naman ang reaksyon ni Rey.


--FRJ GMA News