Aminado si Kim Domingo na nabawasan ang kaniyang fans nang itigil na niya ang kaniyang pagpapa-sexy. Pero mas masaya raw siya ngayon dahil marami rin namang pumalit na tunay na humahanga sa kaniya.

Ipinaliwanag ni Kim sa una niyang vlog na "Q and A," na unti-unti niyang binago ang kaniyang image at tinanggal ang pagpa-sexy nang mapansin niyang hindi na siya masaya na gawin ito.

Bukod dito, nagkaroon din daw siya ng mga batang fans nang mapabilang siya noon sa Kapuso series na "Super Ma'am."

"Sabi ko, ang galing naman, kasi may mga bata palang nakaka-appreciate sa akin. Doon na nag-start na sabi ko, 'Ang sarap pala sa feeling na hindi lang puro lalaki 'yung nakaka-appreciate sa'yo. Meron ding mga bata na iniidolo ka," sabi niya.

Hindi ikinaila ng "Bubble Gang" babe na marami siyang fans noong kasagsagan ng kaniyang pagpapa-sexy.

"Masaya ako kasi 'yung mga dati kong fans, 'yung mga dating humahanga sa akin, sumusuporta noong time na hubadera ako, ang dami nila. As in talagang ang tunog ng pangalan, 'Kim Domingo, panstasya ng bayan,' ang dami nila."

Pero nawala raw sila nang baguhin niya ang kaniyang imahe.

"Maraming nawala pero, ang hindi niyo alam maraming pumalit doon sa mga nawala. Mas marami ang taong nagmamahal sa'kin ngayon. May mga nawala pero may pumalit. So ang daming taong mas nakaka-appreciate ngayon sa akin at doon ako nagte-thank you," ani Kim.

"Ganito pala 'yung lasa ng nirerespeto ka. Mas masarap siya kesa du'n sa mga 'Ang sexy mo,' 'Hot mo,'" sabi pa niya.

Ayon kay Kim, gusto niyang makilala rin siya sa kaniyang mga talento, at hindi lang sa maganda niyang mukha at sexy na katawan.

"Sabi ko ang galing naman, kasi may mga bata na nakaka-appreciate sa 'kin. So dun nag-start na, ang sarap pala sa feeling na hindi lang puro lalaki yung nakaka-appreciate sa yo. Meron din mga bata na iniidolo ka ayun na inuunti unti ko na," sabi ni Kim.

"Masayang masaya ako, gusto kong malaman niyong masaya ako du'n... Hhayy I'm free," saad niya. --FRJ, GMA News