Nasangkot sa aksidente si Ken Chan nang mabangga sa likod ng isang van ang minamaneho niyang SUV sa Quezon City nitong Miyerkoles. Sakabila ng nangyari, ang kalagayan ng driver na nakabangga ang iniisip ng aktor.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras," sinabing nangyari ang insidente sa Timog Avenue, kanto ng Panay Avenue Miyerkoles ng hapon.

Ayon kay Ken, mabagal lang ang pagpapatakbo niya noon dahil sa traffic. at nagulat na lang siya nang may biglang bumangga sa likuran ng kaniyang sasakyan.

Ligtas ang aktor habang nasugatan ang driver ng van at isa pa nitong kasama.

Kaagad naman dumating ang rumespondeng ambulansiya para tulungan ang mga nasugatan.

Sinabi ng pulisya na walang pananagutan si Ken dahil siya ang binangga.

Wala rin umanong planong magreklamo ang aktor laban sa driver na nakabangga sa kaniya.

"Hindi po pumasok sa isip ko na magsampa ng kaso dahil sa totoo po niyan, sobrang naaawa ako kay tatay na nakabangga po sa akin," sabi ni Ken.

"Sana maayos ang lagay niya at sana hindi masyadong malala 'yung mangyari sa kaniya kasi nagtatrabaho rin po 'yung tao," dagdag pa niya. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News