Hindi na sasailalim sa heart procedure ang dating aktor at senador na si Ramon Revilla Sr., matapos lumabas sa angiogram na maayos ang kondisyon ng puso nito, ayon sa kaniyang anak na si Senador Bong Revilla Jr.

"Katatapos lang po ng angiogram ni Daddy and the results were unremarkable! Thank God his heart is okay at walang anumang nakita na problema. He will not need an angioplasty," pagbahagi ng nakababatang Revilla sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules.

"Baka puwede na rin daw siya tanggalin sa ventilator soon if he continues his progress at walang maging ibang problema moving forward," patuloy ng senador.

Sa video na ipinost ng kaniyang anak, makikita ang 93-anyos na si Ramon Sr., na nag-thumbs up sign para ipakita na maayos ang kaniyang pakiramdam habang nakaratay sa ospital.

Nagpasalamat naman si Sen. Bong sa publiko na patulong na nagdarasal para sa paggaling ng kaniyang ama.

Nitong nakaraang Mayo 31 nang dalhin sa St. Luke's Medical Center-Global City ang nakatatandang Revilla matapos na mahirapang huminga.-- FRJ, GMA News