Inihayag ni Ruru Madrid kay Willie Revillame sa "Wowowin-Tutok To Win" na pangarap niyang maging isang sundalo. Kaya naman kung hindi man niya ito nagawa sa tunay na buhay, nais niya itong magampanan kahit man lang sa pelikula.

"Pangarap ko talaga Kuya Wil maging sundalo," panimula ni Ruru.

"Parang noong bata pa lang ako, gusto kong makapagsilbi sa bayan, ganu'n 'yung pakiramdam ko. Kasi lolo ko rin po eh pulis, tapos sabi ko, parang gusto ko pong pasukin 'yung mga ganoon, 'yung nagliligtas ka sa mga nangangailangan," dagdag ni Ruru.

ADVERTISEMENT

Dahil hindi pa nagiging sundalo, sinabi ni Ruru na dream role niya ang naturang propesyon.

"Dahil hindi ko pa na-experience 'yung maging sundalo sa totoong buhay, pangarap ko rin po na magampanan siya kahit sa pelikula," anang aktor.

Sabi ni Kuya Wil, dapat sumali si Ruru sa Kapuso series na "Descendants of the Sun" na pinagbibidahan ni Dingdong Dantes, na sundalo ang mga pangunahing karakter.

"Bakit hindi ka sumali doon kay Dingdong sa [Descendants of the Sun?]," tanong sa kaniya ng TV host.

Ayon kay Kuya Wil, hindi masama ang magtanong at magboluntaryo kung nais ng isang artista na makuha ang isang karakter na pinapangarap.

"Puwede ho ba akong sumali? Alam mo, being an actor, huwag kang mahiya na 'yung ego mo, 'yung role na gusto mo, sabihin mo sa production, pupunta ka roon, 'Dream ko ho ito, sana mabigyan ako ng pagkakataon,'" payo ni Kuya Wil kay Ruru.

"Minsan dapat ganu'n din eh, para ma-achieve mo 'yung dream mo, 'di ba?" dagdag ni Kuya Wil.-- FRJ, GMA News