Ikinuwento ni Vaness del Moral ang dahilan kung bakit siya naiyak sa kalagitnaan ng interview niya sa dating aktres na si G Tongi para sa Kapuso online show na "Just In."

Naging emosyonal si Vaness nang tanungin niya si G kung bakit iniwan ng huli ang showbiz sa kabila ng kaniyang kasikatan.

“What hit me was when she said na it wasn't what she was looking for. It wasn't making her happy. Hindi 'yun 'yung gusto niyang gawin," sabi ni Vaness sa panayam ni Lhar Santiago para sa China Minute ng GMA News "24 Oras."

“Ako, parang tinamaan na, 'Kinaya niya 'yon?'"

Inamin naman ni G sa naturang panayam na nakaramdam din siya noon ng pagsisisi nang talikuran ang showbiz.

Idinagdag naman ni Vaness na nagkausap pa sila ni G nang matapos ang show at nakaramdam siya nang hiya nang tanungin siya ng dating aktres kung bakit siya umiyak.

Natatawang kuwento ni Vaness, na nagkunwari na lang siyang humina ang kanyang internet connection.

Samantala, inihayag din ni Vaness na nag-e-enjoy siya sa pag-interview sa mga personalidad.

“Kay Igan (Arnold Clavio), marami akong natutunan kasi nga, hindi pa pala ako pinapanganak ay nagtatrabaho na siya sa GMA. After nu'ng interview with Igan, sabi namin sa Zoom meeting namin na para kaming nanood ng seminar tungkol sa pagiging broadcaster," saad niya.

Muli naman naging emosyonal at naiyak si Vaness nang matanong tungkol sa kaniyang mga pinagdaanan niya sa buhay at kung ano ang nagpapatibay sa kaniya.

“What keeps me tough? Being tough doesn't mean that it doesn't make you cry. So this makes me tough. My weakness makes me tough,” saad niya.--FRJ, GMA News