Mula sa pagiging game show host, nagmistulang host ng showbiz talk show si Kuya Wil nang maging bisita sa "Wowowin-Tutok To Win" si Bianca Umali na aminadong may "special" friend.

"Saan kayo nagkakilala?" tanong ni Kuya Wil kay Bianca.

"Ang aking espesyal na kaibigan... Sa aming network of course sa GMA," tugon naman ni Bianca patuloy sa pinagsamahan nilang variety show na "Sunday PinaSaya."

"Paano kayo nagsimula? Ito ba'y dahil lang sa unang pagkikita?" dugtong na tanong ni Kuya Wil.

ADVERTISEMENT

"Hindi... Paaano ba ito? Ang init naman ng upuan na ito," natatawang sagot ni Bianca.

"Siguro, unexpected na lang. Ganu'n na lang muna," sabi ng magandang aktres.

Tanong ulit ni Kuya Wil, "Basta you're happy now?"

"Very happy," tugon ni Bianca.

Kasunod nito, binati at pinasalamatan din ni Bianca ang kaniyang fans, pero sinama niya pati ang fans ng kaniyang "espesyal" na kaibigan.

"Sa lahat po ng mga Kapuso nakatutok ngayon sa Tutok To Win hello po sa inyo. Mag-ingat kayo lahat, stay safe at sana magkita-kita na po tayo ulit, especially to the people who support me and love me," sabi ni Bianca.

Patuloy niya, "Sa mga Biancadition, Bianca Elite, and sa fans ng aking espesyal na kaibigan, hello po sa inyong lahat."--FRJ, GMA News