Nakisaya at nakipagkulitan ang komedyanang si Pokwang nang siya ang maging guest player sa Father’s Day Special ng “Bawal Judgmental” segment ng “Eat Bulaga” nitong Sabado.

Nakipagpalitan din si Pokwang ng kaniyang mga hirit at napasaya pa ang Dabarkads, lalo nang magkunwaring naiiyak para magpasalamat kay Bossing Vic Sotto.

“Kasi Bossing, thank you po sa lahat, thank you ... Na-realize ko po sa tatlong buwan, kaninang bago pumunta dito, ngayon ko lang naramdaman na ang sarap pala na nakapag-shave ka ng kili-kili, nagupit mo ’yung buhok mo sa ilong,” biro ng komedyana.

Tumama rin si Pokwang sa kaniyang hula na ang mga pagpipilian ay mga naging single father.

Kasabay nito, naantig din ang Dabarkads at si Pokwang sa kuwento ng mga panauhing single father.

ADVERTISEMENT

Ang anim na taon nang single father na si Ran, iniwan na ng kaniyang partner nang mag-abroad ito at magkaroon na ng iba. Siya na ang nag-aalaga sa kanilang mga anak.

“Pero kung babalik siya, tatanggapin ko naman po,” sabi ni Ran. “Para sa mga bata, lalo na sa bunso,” dagdag niya.

Naging masalimuot naman ang kuwento ni Jayzee nang umuwi nang bangkay ang fitness trainer niyang asawa mula sa Dubai. Pinalabas daw na nag-suicide ang asawa pero nang maipa-autopsy, lumabas na may mga pasa ito at posibleng nagkaroon ng foul play.

“’Yun nga ang masakit eh. Iniisip namin kami ang magsu-surprise sa kaniya, sasalubong. Pero all of a sudden, kami ang na-surprise na bangkay na pala siyang sasalubungin namin,” sabi ni Jayzee, na ikinuwento na nagda-dialysis din siya.

Dapat sana ay ikakasal na ang ama na si Kiko sa kaniyang partner, pero nagkahiwalay sila dahil sa maliit na bagay na kanilang pinagtalunan. Kuwento ni Kiko, engaged na raw ang dati niyang fiance.

Siyam naman ang anak ni Lester sa anim na naging partner.

Ang ama na si Jay, kasal ng 10 taon, pero sumama ang asawa niya sa kaibigan niyang lalaki.

“Hindi po ako perfect na husband pero never po akong naging pabaya para sa kanila. Siguro may pagkukulang pero hindi siguro rason na tatalikuran at iiwanan mo ’yung mga anak mo at pamilya mo para sa isang lalaki,” sabi ni Jay.

Namatay naman ang mga kaniya-kaniyang asawa nina Randy at Egay dahil sa cancer.

Tunghayan ang kanilang mga kuwento. – RC, GMA News