Sa pagpirma niya ng kontrata sa GMA Artist Center, inihayag ng Kapuso concert-comedy queen AiAi delas Alas kung sinong mga Kapuso actor ang nais niyang makatrabaho. Sinabi rin ng aktres kung kailan niya planong mag-semi retirement sa showbiz.

Inilarawan ni AiAi na, "I'm coming home for good" ang ginawa niyang pagpirma ng five-year-contract sa Kapuso Artist Center.

Aniya, sa GMA siya nagsimula ng kaniyang career at nais din niyang manatili bilang Kapuso kapag nag-semi retirement na kapag natapos ang kaniyang management contract sa GMA.

"Thirty years ko na rin in the business so I think five years kasi yung contract ko depende kung anong ibigay ni Lord. For me I think after that semi retirement na ako that's why I want to stay sa GMA," paliwanag ni AiAi sa Kapuso Showbiz News.

Asahan daw na magkakaroon ng reboot sa kaniyang career, may ibang diresyon na posibleng tahakin, at mayroon din naman hindi magbabago.

Kabilang sa mga Kapuso actor na nais niyang makasama sa proyekto ay sina Alden Richards at Miguel Tanfelix.

Pero mga komedyante raw siyang nais na makatrabaho ang makakasama niya sa bago niyang proyekto sa GMA "Oh My Love."

Bagaman nami-miss na raw ni AiAi ang magtrabaho, aminado naman siya na may pangamba rin siyang nararamdaman dahil wala pang bakuna na naiimbento laban sa COVID-19.

"Until walang vaccine, nakakatakot pa rin [magbalik-trabaho] pero nakaka-miss mag-work. Siyempre everyday sanay akong may ginagawa, nagta-taping, nagsu-shooting, so medyo anxious pa din," saad niya. 

--FRJ, GMA News