Ipinakita ng PBA player na si Arwind Santos ang kaniyang talento sa pagkilatis nang siya ang kauna-unahang nanalo ng P50,000 sa “Bawal Judgmental” segment ng “Eat Bulaga” nitong Sabado.

Para sa naturang segment, hinulaan ni Arwind ang tungkol sa mga buhay ng mga komedyante o entertainer, kabilang na ang mga nagtrabaho sa Zirkoh at Klownz.

Nanalo si Arwind sa unang round nang mahulaan niya ang mga entertainer na nagkaroon na ng award, na sina Boobay, Boobsie, Dandan, at Orca.

Para naman sa Round Two, nahulaan ni Arwind ang mga komedyante na nagkaroon ng jowang foreigner, na sina Boobsie, Big Mouth, at Orca.

Nakuha rin ni Arwind ang Round 3 nang tumama siya sa hula niya kung sino sa kanila ang mga college graduate na sina Dandan, George, at Boobay.

Paghahatian naman nina Arwind at home partner niya ang P50,000 na kanilang napanalunan.

Kasabay nito, nagkuwento rin ang mga komedyante tungkol sa mga pinagdadaanan nilang pagsubok sa pagsasara ng mga comedy bar sa gitna ng COVID-19. – Jamil Santos/RC, GMA News