Game na sumabak si Rayver Cruz sa mga hamon na ibinigay sa kaniya ni Janine Gutierrez sa "Rayver Can't Say No Challenge." Pero pumayag kaya ang aktor na i-delete sa cellphone niya ang online game na Mobile Legends alang-alang sa kaniyang nobya?

Sa latest vlog ni Janine, makikita ang kahandaan si Rayver na nagsuot pa ng gym clothes para sa mga ipinagawang challenge ng nobya.

Kabilang na rito ang pagpapaligo sa aso ni Janine na si Punchy, at naging instant photographer para sa graduation ceremony ng kapatid ng aktres na si Max.

Bukod dito, pinagbalat din ni Rayver si Janine ng 10 butong pakwan, pinagluto ng siomai at nag-Tiktok pa sa kalye.

Nag-isip din si Rayver ng prank sa kapatid niyang si Rodjun, at nagkunwaring nahulog daw nito ang mga designer wallet ni Janine sa inodoro at nagtanong kung ano ang gagawin.

Pero pagdating sa madalas na pagselosan ng mga nobya na mobile game dahil kaagaw nila sa atensiyon, mapapayag kaya ni Janine si Rayver na i-delete ang Mobile Legends sa phone ng aktor? Alamin ang sagot sa video.--FRJ, GMA News