Isinilang na ni Max Collins ang baby boy nila ni Pancho Magno nitong Lunes, Hulyo 6.

Kinumpirma ito ng GMA Artist Center nitong Martes, bagama't wala pang post o detalye sina Pancho at Max sa kanilang social media posts.

Nauna nang inilahad ni Max na ikinonsidera niyang sa bahay na lang manganak sa pamamagitan ng water birthing dahil sa pangamba niya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Magiging kaagapay naman daw niya sa panganganak ang kaniyang asawa na si Pancho, na isang registered nurse.

Pasko noong nakaraang taon nang ianunsyo nina Max at Pancho na magkakaanak na sila.

Marso naman nang ianunsyo nila na baby boy ang nasa sinapupunan ni Max. --Jamil Santos/FRJ, GMA News