Hindi pinalampas ni Sunshine Cruz ang isang netizen na hindi niya nagustuhan ang komento tungkol sa larawan na ipinost niya kasama ang mga anak.

Ipinost ng aktres sa Facebook ang screenshot ng komento ng netizen na nagsasabing: “Post ka ng post ng mga sexy pics ng anak mo. Parang tinapay lang 'yan na binebenta mo sa shelf pero walang presyo. Pinapalaway mo ang mga tao, tapos kasalanan pa nila.”

Ayon kay Sunshine, nagkalat ang “sexual predators” sa social media.

"Enjoy din naman palang mang-ban, block, and delete. Nagkalat ang 'sexual predators' online. Parang ngayon lang nakakita ng babae. Ako po ang nahihiya para sa mga magulang n'yo. You guys know who you are,” sabi ng aktres.

“I am saving those messages before banning you. You've been warned,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Sunshine na kasama niyang namamahala sa kaniyang social media account ang mga abogado at manager niya.

“This page is open for people who know how to respect women. Hindi para sa mga sexual predators o manyak,” giit ng aktres.

"If you have nothing good to say, keep it to yourself,” payo pa niya.

Iginiit din ng aktres na hindi dapat gamiting dahilan ang kasuotan ng babae para bastusin o pagsamantalahan.

"Wearing shorts or a swimsuit is never a valid reason para bastusin ang kababaihan. Ginagawang palusot lang ng mga manyak o sexual offenders yan. Don’t blame women! Blame those men who look down on women for the choice of clothes they wear," sabi pa ni Sunshine sa hiwalay na post.

Dagdag pa niya, hindi dahilan ang pagiging dati niyang sexy star para bastusin ang kaniyang mga anak.

"May mga magsasabi na naman dyan na dati ka namang sexy star. So? Trabaho ko 'yan noon. Part of my job. It is never a reason para mga anak ko babuyin. Mahiya kayo sa magulang nyo. Sinasayang nyo lang ang pagpapaaral nila sa inyo," anang aktres.

Sina Samantha Angeline, Angel Franchesca at Angeline, ay anak ni Sunshine sa aktor na si Cesar Montano.--FRJ, GMA News