Ang aktor na si Richard Yap ang naging guest player sa “Bawal Judgmental” segment ng “Eat Bulaga” nitong Sabado, habang inilahad naman ng mga proud trans men ang kuwento ng kanilang buhay.

Ayon sa mga trans men na sina Dan, Kim, Kit, Nil, at Clark at dating “Starstruck” avenger na si Jesi Escudero, matagal nilang pinag-isipan at pinaghandaan ang desisyon nila na mag-transition mula babae hanggang sa maging lalaki.

Sumailalim sila sa medical transition, kung saan umiinom sila ng mga gamot para magkaroon ng hormones ng panlalaki.

Masaya raw sila sa kanilang mga desisyon pero iba-iba ang naging reaksyon ng kanilang mga pamilya. Ang iba ay sinuportahan, samantalang ilan sa kanila ang tinutulan ng pamilya.

Nanawagan ang mga trans men ng pag-unawa rin sa publiko. – Jamil Santos/RC, GMA News