Mistulang nagbigay ng bagong sigla sa career ni Paolo Contis ang dalawa niyang pelikula na pumatok sa Netlix. Kasabay ng pagdagsa ng mga bagong proyekto, balik-taping na rin sila para sa mga bagong episode ng "Bubble Gang."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing itinuturing ni Paolo na closed book na dapat ang dalawa niyang pelikula na "Through Night and Day" at "Ang Pangarap Kong Holdap," pero tila ito pa ang nagbigay ng panibagong sigla sa kaniyang career.

"Maraming offer ngayon na pelikula. Siyempre, katulad din ng sinabi ko, after this mas feeling ko may mas responsibilidad ka na na gumawa ng pelikula na hindi ka mapapahiya siyempre," saad ni Paolo.

Proud naman kay Paolo ang partner niyang si LJ Reyes sa natatamo niyang tagumpay sa career.

Nahirapan naman daw si Paolo nang malayo siya sa pamilya ng isang linggo dahil sa trabaho.

Bago nito, ilang buwan din silang magkakasama araw-araw dahil sa lockdown.

"Pag-uwi ko, dapat two weeks ka dapat mag-quarantine sa sarili mo. I decided na five days I'm gonna have myself tested na. So 'yun na nga, medyo umigsi 'yon kasi nagpa-swab test ako, negative naman. Para mas makatulong na ako kay LJ sa mga gawaing bahay tsaka sa mga bata. Tsaka siyempre miss na miss mo na sila," kuwento ng aktor.

Samantala, nanghihinayang si Paolo na hindi muna nila makakasama sa gagawin nilang mga bagong episode ng "Bubble Gang" si Michael V. matapos itong magpositibo sa COVID-19.

Mapapanood na raw ang fresh episodes ng longest-running gag show simula susunod na buwan.

"For now, magri-reading muna kami tapos meron kaming gags na isu-shoot during the Zoom meeting. And then we have scripts na isu-shoot namin from the house. Upon reading the scripts naman, bagay siya sa shoot from home," ayon kay Paolo.

May panghihinayang naman kay Paolo na hindi nila makakasama sa taping si Bitoy.

"Actually we're supposed to have a meeting last week kung saan hindi naka-attend si Kuya Bitoy. Of course bilang part ng Bubble Gang, I found out earlier. Nakausap ko na siya about it. In good spirits naman eh, in good spirits naman si Kuya Bitoy," sabi ni Paolo.--Jamil Santos/FRJ, GMA News