Makalipas ang 30 taon, sinabi ng aktres na si Alice Dixson na magsasalita na siya upang ihayag ang kaniyang panig tungkol sa kuwento-kuwento ng umano'y "taong ahas" sa isang mall na kasamang nabanggit ang kaniyang pangalan.

Sa kaniyang Instagram post, ipinakita ni Alice ang teaser video ng ilalabas niyang panig ng kaniyang kuwento matapos siyang bumalik sa nabanggit na mall kung saan sinasabing nangyari ang insidente na muntik na siyang mabiktima ng "taong ahas."

“Mahal kong kababayans ... hindi ko gustong buhayin ang chismis; that is the farthest from my intention,” paglilinaw ng aktres.

"I made promise to a dear friend - I said I would tell my side of the story this year at dahil 30 year anniversary na this month, it is NOW time," saad pa niya sa caption ng video.

 

 

Mula nang lumabas ang naturang kuwento-kuwento, sinabi ni Alice na hindi siya nagsalita tungkol dito.

Noong 2016, sandaling napag-usapan sa dating GMA show na “Sarap Diva” ang tungkol sa naturang kuwento ng "taong ahas."


FRJ, GMA News