Dahil nasa work from home set-up ngayong COVID-19 pandemic, hindi mapipigilan minsan ng ilang Kapuso celebrities na umeksena ang kanilang mga anak o pets habang nasa taping o interview sila. Paano kaya nila inaayos ang sitwasyon?

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita na sumilip si Zia sa Zoom meeting at workout session ng kaniyang amang si Dingdong Dantes.

Samantalang si Rochelle Pangilinan, hindi makapag-focus sa kaniyang spiels sa camera dahil sa pagpapa-cute ni Shiloh sa background.

Ayaw ding umalis ni Nala sa tabi ng kaniyang mommy na si Camille Prats.

ADVERTISEMENT

Kaya naman para maging epektibo ang work from home, nagse-set si Camille ng priorities o schedule for the day.

"Nakapag-adjust na ako sa new normal. Ine-encorporate ko na 'yung trabaho together with just doing the things that I have to do at home like being a mom," ani Camille.

Hindi rin maka-take one si Chariz Solomon sa kaniyang mga video dahil palagi siyang ginugulo ng mga anak.

"'Pag meron akong Zoom meeting, gagawin ko ita-timing ko 'yung Playstation time nila doon sa meeting ko. Important to put your family first and then work," ayon kay Cha.

Gumagawa pa rin daw ng paraan si Primo na magpa-cute sa camera kahit na magtago si Drew Arellano sa isang kuwarto para sa Zoom interview.

Hinayaan na lang ni Drew si Primo kahit medyo agaw-pansin sa background. Pero kapag in the zone naman si Drew sa trabaho, lumalabas na ang kaniyang pagiging natural na disciplinarian sa kaniyang mga anak.

"'Pag lalaki 'yung mga mata ko, alam na. 'Yung panganay ko matatakot na 'yan. 'Yun 'yung style sa akin ng tatay ko before," ani Drew.

Kadalasan namang umuupo ang aso nina Joyce Pring at Juancho Trivino na si Bowie sa harap ng camera habang nasa interview sila.

"Salitan kami ni Joyce. Kapag may meeting akong importante ikukulong namin si Bowie sa kuwarto tapos kapag si Joyce may importanteng meeting nandito si Bowie sa baba," sabi ni Juancho.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News