Hindi napigilang mapaiyak ni Carmina Villaroel nang sorpresahin siya ng kaniyang pamilya para sa kaniyang kaarawan nitong Agosto 17.

Sa kaniyang vlog, makikita na pinaghandaan ng asawa niyang si Zoren at mga anak na sina Mavy at Cassy ang espesyal niyang araw, mula sa pa-set up ng hapag-kainan pati na rin sa mga balloons.

Si Zoren pa ang nagsilbing direktor na nag-choreograph sa kaniyang mga anak para maging matagumpay ang surprise.

Si Cassy ang nag-asikaso ng customized balloons na mga blue at red dahil mga paborito itong kulay ni Carmina, at gold dahil "light of my life" niya ang kaniyang ina. Si Mavy naman ang naging punong abala sa mga bulaklak.

At nang magsilabasan din ang kaniyang mga kapatid at pamangkin para sorpresahin siya, hindi na napigilang maging emosyonal ni Carmina.

Ayon naman kay Carmina, pangarap niyang mag-birthday na may mga makukulay na balloons.

"Yey I'm so happy! Today is my birthday. It's so nice may balloons. Thank you, and I have a cake!" pasasalamat ni Carmina sa kaniyang pamilya.--FRJ, GMA News