Nagpositibo sa COVID-19 ang aktor na si Matt Lozano, pati na ang apat na miyembro ng kaniyang pamilya.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabing maliban sa kaniya, nakuha rin ng kaniyang ama, ina, kapatid at lola ang virus.

“Sobrang nalulungkot ako, umiiyak ako kasi natatakot ako na baka ’pag nalaman ng ibang tao, pandirihan ako ng mga tao,” sabi ng Kapuso actor.

Maingat naman daw si Matt at sumusunod nila ang mga health protocol sa kanilang tahanan.

Gayunman, nagkaroon sila ng bisita na nagdala sa kanila ng pagkain.

“Pinakita niya sa akin na nagpa-test siya, negative siya. So bilang kaibigan, bilang alam mo naman tayong mga Pilipino pagka may bisita, tatanggapin natin,” sabi ni Matt.

“Sobrang sandali lang, after niyang ibigay ’yung [pagkain] nagkuwentuhan lang kami sandali, tapos umalis siya. Kinabukasan tumawag siya sa akin, ‘Matt meron akong flu,’” dagdag ng aktor.

Nagpasalamat naman si Matt na hindi naging severe ang karamdaman ng kaniyang pamilya, at kasalukuyan silang nagpapagaling.

“Parang normal na flu lang ’yung pakiramdam eh. Ako, wala akong ubo, wala akong sipon, but nawalan ako ng taste and smell,” sabi ni Matt.

Nagpaalala ang aktor na laging mag-ingat at huwag magbakasakali pagdating sa kalusugan. – Jamil Santos/RC, GMA News