Nagulat man noong una, suportado daw nina Joey Marquez at Alma Moreno ang desisyon ng anak nilang si Winwyn Marquez na sumabak sa basic citizen military training para maging isang Philippine Navy reservist.

"Kasi my dad just saw it on my Instagram. Sabi niya, bigla niya akong tinawagan, 'Ano na naman 'yang pinasok mo? Anong ginawa mo bakit hindi sinabi sa amin?' Pati si mama sabi niya 'Ano bang pumapasok sa isip mo?'" kuwento ni Winwyn sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras."

"Pero in-explain ko naman sa kanila and they know that I'm interested naman sa mga ganitong bagay. And when I explained 'yung purpose ko rin of joining, they understood," dagdag ni Winwyn.

Nakatakda sanang magsimula sa Abril ang military training ni Winwyn, pero nailipat ito dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon sa Kapuso actress, hindi madali ang pagsasanay dahil nariyan pa ang banta ng coronavirus kaya mahigpit din ang safety protocols.

"May mga physical activities kami, we have to run, we have to do calisthenics. And it's really hard to breathe lalo na 'pag naka-mask. So 'yun 'yung struggle namin pero kinakaya namin kasi alam namin na safety first talaga. Minsan naka-face shield pa kami kahit tumatakbo kami."

Bilang preparasyon sa training, palagian ang home workout ni Winwyn.

Isa si Rocco Nacino, kapwa niya Kapuso star, kaibigan at isa na ring Philippine Navy reservist, ang nag-impluwensiya kay Winwyn na maging bahagi ng reserve force.

"I wanna learn more about how I can help my family and people around me, 'yung tamang way in case of emergency."

Inaasahang matatapos ang training ni Winwyn sa Nobyembre.

Sinabi ni Winwyn, na itinanghal bilang Reina Hispanoamericana 2017, na excited na rin siyang madagdagan pa ang kaniyang titulo.

"I'm looking forward kasi I'm going to wear the uniform with my name on it. Achievement na rin siya for me, for the country and for the people I love also."

Sasalang na rin si Winwyn sa isang Kapuso special TV series. Ayon sa kaniya, independent na dapat ang makakasamang artista dahil limitado lang ang mga tao sa set.

Dito raw magagamit ni Winwyn ang kaniyang training sa pagsali sa international pageant.

"I went abroad ako lang din naman mag-isang lahat nagpe-prepare, nag-aayos and everything. So at least meron akong idea kung paano," sabi niya.--Jamil Santos/FRJ, GMA News