Sa susunod na linggo, Setyembre 9, 2020, nakatakdang buksan ang drive-in cinema  sa SM Mall of Asia Concert Grounds (Block 16).

Ito na ang ikalawang drive-in cinema ng SM, na ang isa ay nasa Pampanga.

Ayon sa SM Cinemas, bukas ang drive-in movie theater sa SM Mall of Asia mula Miyerkules hanggang Linggo.

Magkakahalaga ito ng P400 na may kasamang popcorn, bottled water at pagkain.

Tulad sa drive-in cinema sa Pampanga, hanggang apat katao lang ang puwede sa loob ng isang sasakyan, pero mas mabuti umano kung dalawa lang.

Isinagawa ng SM Cinema ang drive-in cinemas dahil bawal pa rin ang pagbubukas ng mga tradisyonal na sinehan dulot ng COVID-19 pandemic.

Sa sistema ng drive-in theater sa San Fernando, Pampanga na binuksan noong Hulyo, online ang pagbili ng ticket.

Habang nanood ng pelikula sa loob ng sasakyan, may ibibigay naman na frequency ng radyo upang madinig ang audio ng pelikula.

Kailangang manatili sa loob ng sasakyan ang mga tao habang nanonood at dapat nakasuot ng face mask.— FRJ,GMA News