May mga plano na sina Jason Abalos at ang girlfriend niyang si Vickie Rushton kung saan sila titira at magtatayo ng bahay kapag ikinasal na sila.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras," sinabing dinala muna ni Jason si Vickie sa bayan nila sa Nueva Ecija kung saan siya lumaki, bago siya sumabak sa taping.

"Kaya lang, kasi talagang pandemya, so hindi kami nakapag-ikot, umuwi kami talaga sa amin, sa farm lang talaga," kuwento ni Jason.

Dito na raw nabuo ang isa sa kanilang mga plano kapag nag-settle down na.

"Meron kasi ako doon na gustong i-develop na pamana po sa akin ng lolo ko. So sabi ko, 'Mas maganda kako na 'yung ating bahay, nasa nature. Mas magandang dito mo papalakihin 'yung mga anak natin na sanay sa mga alagang hayop, sanay sa halaman. Sanay magtanim ng mga gulay," sabi ng Kapuso actor.

Ito rin daw ang gusto ni Vickie.

"'Yun naman talaga ang gusto niya rin, kasi lagi kami nangangarap na magkaroon kami ng beach house o kaya ng farm lot para doon kami bubuo ng pamilya," ani Jason.

Samantala, mapapanood si Jason kasama sina Rochelle Pangilinan, Shayne Sava at Lexi Gonzales sa bagong episode ng Wish Ko Lang na pinamagatang "Inararo."

Ipakikita nina Jason at Rochelle ang tindi ng pagmamahal nila sa kanilang mga anak.

"May mga eksena na naka-mask kami, itong lockdown ito nangyari. Napapanahon talaga siya and story rin ito ng connection sa family and 'yung mag-asawa inararo ng jeep. Napanood ko ito sa 24 Oras eh," sabi ni Rochelle.

"'Yung mag-asawa, kami ni Rochelle na parang nagsisikap kami kasi meron kaming mga pangarap para sa anak namin na talagang makapagtapos ng pag-aaral kasi 'yun lang po 'yung aming ipapamana. Sa kasamaang palad po na panahon ng pandemya, inararo sila ng isang sasakyan ng lasing na driver," sabi ni Jason. —LBG, GMA News