Nanganak na sina Dianne Medina at Coleen Garcia, at parehong lalaki ang kani-kanilang panganay.

Pinangalanan nina Dianne at mister niyang si Rodjun Cruz, ang kanilang baby na si Rodolfo Joaquin Diego III.

“My Answered Prayer my Baby Rodolfo Joaquin Diego III. Thank you my Almighty Father,” saad ni Dianne sa kaniyang Instagram post kung saan ibinahagi nila ang ilang larawan nila ng kaniyang baby sa ospital.

 

 

Ayon sa TV host-actress, 1:55 am kanina nang iluwal niya si Baby Joaquin.

“I Love you so much my Son @babyjoaquinilustre! I will hold your hand Forever & guide you every step of the way! #AnsweredPrayer Thank you Lord #BabyJoaquinILustre,” saad naman ni Rodjun sa kaniyang post.

Nitong nakaraang taon nagpakasal ang celebrity couple, at nitong nakaraang Abril ay ibinahagi nila ang magandang balita na buntis si Dianne.

Water birth kay si Coleen

Samantala, sa pamamagitan naman ng water birth sa bahay isinilang ni Coleen ang panganay nilang anak ni Billy Crawford na si Amari.

“There’s so much I wanna say, but for now, I just want to praise God for being so so good. Thank you, Lord, for our beautiful Amari,” sabi ng aktres sa kaniyang caption sa mga larawan na kaniyang ipinost sa IG.

 

 

Nagpakasal sina Coleen at Billy noong Abril 2018, at ibinalita nila ang pagbubuntis ng aktres noong Mayo.

Matatandaan na water birth din sa bahay ang naisip na paraan ng panganganak ni Max Collins sa panganay na anak nila ni Pancho Magno na si Skye Anakin noong July 6.

Pinili ni Max na sa bahay manganak bilang pag-iingat sa COVID-19. – FRJ, GMA News