Pitong taon nang magkasintahan sina Shaira Diaz at EA Guzman. Sakaling alukin mag-alok ng kasal ni EA, handa na kaya si Shaira?

Sa programang "Mars Pa More," naging paksa ang mga "Quarantine Hugot," kung saan natanong si Shaira kung naka-relate siya sa hugot na "COVID-19 ka ba? Kasi nahihirapan akong huminga tuwing nakakasalubong ka."

"Naka-relate ako. Kasi noong mga una pa lang namin, ligawan stage ito, nahihirapan akong huminga when I see him. Oo, lalo na 'yung mga unang-una," natatawa at kinikilig na sagot ni Shaira.

"Hanggang ngayon ba umaabot pa rin diyan?" tanong ni "Mars" host Iya Villania kay Shaira.

"Opo, yes Mars! Kasi may iba-iba siyang gimik. Hindi siya napapagod maghanap ng ways para patigilin 'yung mundo mo, pakiligin ka nang hindi mo ine-expect talaga. May ganu'n eh, may ganu'n na consistent eh," sagot ng Kapuso actress.

Pitong taon na silang magkarelasyon ni EA.

Sinabi naman ni Shaira na hindi pa siya gaanong handa sakaling mag-propose man sa kaniya si EA.

"Hindi pa, hindi pa! Wala pa, matagal pa. Marami pa akong gustong i-achieve para sa sarili ko, sa family ko. Siguro mga five years pa," sabi ng aktres.

Sa vlog ni EA, binalikan nina Shaira at EA ang pagsisimula ng kanilang love story, kung saan sinabi ng dalaga na hindi niya kaagad nagustuhan si EA nang una silang nagkita at "nandiri" pa nga siya sa aktor.

Kasali noon si Shaira sa isang talent search at si EA ang partner niya sa isang number. "Nandiri" raw si Shaira dahil nakasando lang ang aktor at kita ang kili-kili nito.

Pero bumawi naman daw si EA dahil nagpabango ito.

--Jamil Santos/FRJ, GMA News