Isang eksena sa "Wish Ko Lang" ang hinding-hindi raw malilimutan ni Vaness del Moral dahil unang pagkakataon niya itong ginawa--ang malublob ang kaniyang mukha sa inodoro.

"For me memorable sa akin 'yung first time ko ever 'yung mailublob 'yung mukha ko sa inodoro," kuwento ni Vaness sa Kapuso Showbiz News.

Pero nilinaw ni Vaness na bago at hindi gamit na inodoro ang ginamit sa naturang eksena.

"Iniisip namin kung paano namin lalagyan ng tubig 'yung toilet seat para 'pag nilublob ng ganiyan 'yung face mo, pag-ahon mong ganoon basa ka ng water 'di ba? Nilagyan namin ng clean wrap 'yon," kuwento ni Vaness.

"First time ko siyang ginawa sa tanan ng buhay ko sa showbiz. Medyo masarap pala 'yung feeling na, alam mo 'yung parang nilunod 'yung sarili mo tapos pag-ahon mo ng ganiyan, 'yung iaarte mo na totoong inodoro 'yun," dagdag pa niya.

Mapapanood si Vaness sa upcoming episode ng "Wish Ko Lang" na "Inilibing" sa Sabado, kung saan makakasama niya ang beteranang aktres na si Jean Garcia.

Gagampanan ni Jean si Lorna, isang babae na lolokohin ng kaniyang partner.

Si Vaness naman ang gaganap bilang kabit ng asawa ni Lorna. Dahil sa inggit, magagawang patayin ng karakter ni Vaness si Lorna at "ililibing" ito.

“Actually, siyempre hindi ko gusto yung character ko 'di ba dahil isa akong kabit. Ang gusto ko doon sa character ni Ms. Jean is 'yung drive niya to fight because she's a mother, na hindi niya pababayaan 'yung sarili niya lalong-lalo na 'yung anak niya," anang Kapuso actress.--FRJ, GMA News