Sa online chikahan na "Hangout" kasama ang fans, inihayag ni Elijah Alejo na naiinis din siya sa kaniyang role na si "Brianna" sa kanilang hit Kapuso afternoon series na "Prima Donnas."

"Kasi ako rin po actually, kapag binabasa ko 'yung script, like, 'Ano na naman itong si Brianna? Gagawa na naman ba ng kalokohan?'" natatawang kuwento ni Elijah sa "Hangout" ng GMA Artist Center.

"Tapos po kapag 'yung e-execute na po namin... Naiinis din po ako sa role ko eh, pero role ko lang po 'yun, huwag niyo pong i-mistake 'yung ugali ni Brianna sa ugali ko po," sabi ng batang aktres.

Si Brianna ang anak ng kontrabida ring si Kendra (Aiko Melendez), at nagpapanggap na isa sa mga "Donnas" para maangkin ang yaman ng mga Claveria.

"Sa maraming naiinis at nagagalit sa pagiging Brianna ko sa 'Prima Donnas,' ang masasabi ko lang po sa inyong lahat ay thank you po dahil po naiinis po kay kay Brianna," sabi ni Elijah.

Sinagot din ni Elijah ang tanong kung ano pa ang mga dream roles niya.

"Para naman po kasi sa akin lahat po ng roles ay dream roles ko. Pero ang role po talaga na gusto ko pong gawin is 'yung maging kontrabida po pero sa mga action film naman po," sabi ng Kapuso teen actress. --FRJ, GMA News