Inireklamo ni Julia Barretto ang dating broadcaster na si Jay Sonza dahil sa pahayag nito na buntis siya kay Gerald Anderson.

Isinampa ni Julia ang reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes.

Ayon kay NBI Cybercrime Division chief Victor Lorenzo, aalamin nila kung maituturing na cyber libel o paglabag sa Safe Spaces Act ang mga pahayag ni Sonza.

Ang Safe Spaces Act ay isang batas na naipasa nitong 2019 na nililinaw at nagbibigay-parusa sa gender-based sexual harassment sa mga kalye, pampublikong lugar, sa online, sa trabaho, o sa mga educational o training institution.

Napaulat na sinabi ni Sonza sa isang Facebook post na buntis si Julia at ang aktor na si Gerald ang ama.

Nitong Lunes, nag-post ang aktres sa Instagram ng photo niya na nagpapakita ng kaniyang slim na pangangatawan.

“FAKE NEWS :)” caption ni Julia, habang makikita ang kaniyang flat na tiyan. – Jamil Santos/RC, GMA News