Nasorpresa raw si Lani Misalucha nang malaman niyang kabilang siya sa 100 Most Influential Honorees ng The Outstanding Filipinos in America (TOFA) Awards.

Ayon sa Asia's Nightingale, hindi siya makapaniwala na nakasama siya sa listahan dahil mga bigating pangalan ang nakalagay sa TOFA.

"Sa totoo lang hindi ko alam bakit ako sinali doon eh. Sigurado ba kayo?" pabirong sabi ni Lani sa media conference para sa "The Clash" nitong Miyerkoles.

"Biro mo, sino ba naman kasabayan doon, as in malalaking tao. Mga shaker, mover, mga influential tao talaga as in," dagdag pa niya.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing kasama rin sa listahan sina Senador Manny Pacquiao at  Lea Salonga.

Muling mapapanood si Lani sa Kapuso Network bilang judge sa ikatlong season ng "The Clash" simula Oktubre 3.--Jamil Santos/FRJ, GMA News