Inihayag ni Angillyn Gorens na hiwalay na sila ng aktor na si Buboy Villar. Pero paglilinaw ni Angillyn, maayos ang paghihiwalay nila ni Buboy para sa kapakanan ng dalawa nilang anak.

Sa ulat ni Arniel C. Serato sa PEP.ph, sinabing ginawa ni Angillyn ang kumpirmasyon sa pamamagitan ng kanyang nakababatang kapatid na si Veybillyn Gorens.

Ayon kay Angillyn, sinubukan nila ni Buboy na ayusin ang kanilang pagsasama pero hindi na talaga umubra. Mutual naman daw ang kanilang desisyong maghiwalay at maging magulang na lamang sa kanilang dalawang anak na sina Vlanz Karollyn, 3, at George Michael, 1.

“Naghiwalay kami ni Buboy two years ago, pero tinray pa rin naman namin i-workout pero we both realized na it wasn’t working na talaga," saad niya.

Nakabuti naman daw sa kanila ang nangyari. Pareho raw nilang inaalagaan ang kanilang mga anak kahit hiwalay na sila.

Nasa pangangalaga ng mga magulang ni Angillyn ang dalawa nilang anak pero puwede naman daw itong dalawin ni Buboy ano mang oras.

“Marami nagtatanong sa akin at sa vlog ni Buboy kung bakit sa bahay nakatira yung mga anak namin, ang dahilan dun is dati kasi nagti-taping si Buboy halos araw-araw.

“Hindi niya rin maaalagaan mga anak namin, at sa bahay naman nila maraming batang inaalagaan mama ni Buboy.

"So we both decided sa bahay na lang yung mga anak namin dahil maaalagaan naman sila mabuti nila Mama at Papa

“Sobrang thankful kaming dalawa ni Buboy sa parents ko kasi sobrang spoiled at alaga sila.

“Sobrang goods din ni Buboy at ng parents ko kaya wala namang problema…,” patuloy niya,

Kasalukuyang nasa Amerika si Angillyn at nagtatrabaho para paghandaan ang future ng kanilang mga anak.

“Ako, patuloy lang nagwu-work dito sa US para sa mga kailangan din ng mga anak namin at saka makapag-ipon din dahil mag-aaral na rin si Vlanz.”

Si Buboy naman ay gumagawa ng mga content sa kanyang vlog para may mapagkakitaan.

Taong 2016 nang umamin si Buboy na nagsasama na sila ni Angillyn, na 17-anyos lang noon. -- For more showbiz news, visit PEP.ph