Binalikan ni Michael V. o Bitoy ang unang pelikula na ginawa niya kasama ang namayapang Pinoy Master Rapper na si  Francis Magalona, na magdiriwang sana ngayon ng kaniyang ika-56 taong kaarawan.

Sa kaniyang Instagram account,  nag-post ng movie poster na "Ano Ba 'Yan?" ang Kapuso comedy genius.

"Hindi kami dito nagkakilala but this is the first movie na nagkasama kami ni Francis M.," saad ni Bitoy sa caption.

Habang ginagawa nila ang pelikula, dito na nalaman ni Bitoy ang hilig ni Francis sa comics at video games.

"Dito ko nai-share sa kanya ‘yung mga drawings ko and guess what? Pareho din kaming mahilig mag-drawing!" patuloy niya.

 

 

Ayon pa kay Bitoy, sa naturang pelikula rin nagsimula ang pagkakaibigan nila, kasama si Ogie Alcasid, "and never ended even after he’s gone. And a lot of people still remember his birthday long after he’s passed away."

"Long live The Master Rapper!" sabi pa ng Kapuso star.

Pumanaw si Francis M. noong March 2009 matapos matuklasan na mayroon siyang acute myeloid leukemia noong August 2008.— FRJ, GMA News