Ipinagpasalamat ng "That's Entertainment" stars ang tagumpay ng kanilang "That's Zoom-Mustahan" at pag-alaala kay Master Showman German "Kuya Germs" Moreno nitong weekend sa kabila ng COVID-19 pandemic.

"Sa aming mga kapwa miyembro sa That's, mga bro at sis, salamat sa samahang walang katulad," sabi ni Sharmaine Arnaiz, sa isang video na in-upload ni Karen Timbol.

Bukod dito, pinasalamatan din nila ang produksyon, staff, direktor, pati ang mga nagdaang sekretarya ni Kuya Germs na kanilang nakasama noon sa 80s variety show.

"Sa aming mga tagahanga, maraming salamat sa walang sawang pagsuporta mula noon hanggang ngayon, kahit na pare-pareho na tayo na magka-edad na," ani Chuckie Dreyfus.

"Higit sa lahat sa aming ama sa That's, Kuya Germs, walang katapusang pasasalamat sa tiwala at pagbigay sa amin ng pagkakataong mangarap nang mangarap hangga't maabot namin ang bituin na nakalaan para sa bawat isa sa amin," sabi ni Tina Paner.

"Mahal namin kayo! Happy birthday Kuya Germs!" pagbati ng That's Entertainment stars.

Napanood ang "That's Zoom-Mustahan" nang live sa Facebook page ng That's Entertainment, kung saan napa-80s throwback ang kanilang fans, ayon ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News "Balitanghali."

Napanood ang "That's Entertainment" mula 1986 hanggang 1996 sa GMA Network.

Gaya ng nakagawian, naghanda ng production numbers mula Monday hanggang Friday group.

Naghandog din sila ng tribute sa kanilang tatay-tatayan na si Kuya Germs.--FRJ, GMA News