Labis ang tuwa nina Mikee Quintos at Kelvin Miranda nang malaman na sila ang napili bilang bagong love team sa upcoming Kapuso romantic-comedy series na "The Lost Recipe."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa isang online meeting na napasigaw pa sina Mikee at Kelvin nang ianunsyo sa kanila na sila ang bibida sa naturang serye.

"I remember dapat may screen test pa po ulit last week noong Thursday I think, but hindi yata natuloy so akala ko nagba-bluff. Hindi ko naman alam na...ahh, ito na 'yon," masayang kuwento ni Mikee.

Sabi naman ni Kelvin, "Nag-ready talaga ako, nagbasa ako ng script at nakailang kape na ako. Sobrang preparation ko talagang wala akong alam na napili ako. Ngayon nakakatuwa na, nakakanginig sa sobrang saya."

Ayon sa direktor ng serye na si Direk Monti Parungao, ang "The Lost Recipe" ay hindi lang basta rom-com kung hindi kuwento rin ng pag-ibig ng dalawang mahusay na cook.

Sinabi ni Mikee na pangarap niya talagang bumida sa isang rom-com series. Napanood na siya sa mga drama at maging fantasy action series tulad ng "Encantadia," "Onanay," "Sirkus" at sa "The Gift," kasama si Alden Richards.

"'Yun po talaga ang pinagdadasal ko ever since and I'm happy na it's with Kelvin din. I'm excited to work with him and the whole team, first time ko pong makaka-work ang team na ito. Direk Monti," ani Mikee.

Pinaplano naman ni Kelvin ang paghahanda sa kaniyang karakter bilang bida ng series.

Maliban sa "Madrasta," nakilala si Kelvin nang gumanap siya bilang si Mike Sta. Maria sa first Netflix Filipino feature film na "Dead Kids."

"Kailangan baunan, palamanan ng panonood ng mga ganitong klaseng projects. Sisimulan ko na ngayon manood ng mga K-dramas para malaman ko kung paano 'yung paraan kung paano nila ginagawa 'yung mga eksena," ani Kelvin.

Nakikita na raw ni Direk Monti ang malakas na chemistry nina Mikee at Kelvin.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News