Kung si Buboy Villar ang tatanungin, handa siyang muling tanggapin at bukas siya sa pakikipagbalikan sa dating partner na si Angillyn Gorens.

“At the end of the day kung magkagusto ka ulit sa akin, willing na willing akong tanggapin ka kasi mahal kita. 'Yun ang pagmamahal,” sabi ni Buboy sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras."

Mutual daw ang desisyon nila ni Angillyn na maghiwalay, bagay na sa tingin nila ay mas mainam para sa kanilang dalawa at para sa kanilang mga anak.

Merong dalawang anak sina Buboy at Angillyn -- na sina Vlanz Karollyn, 3; at George Michael, 1.

"As a father, as a mother, nakita po namin 'yun at napagkasunduan na marami pa kaming puwedeng gawin, marami pang oportunidad, mahaba pa ang lalakbayin namin sa mundo na ito. So napagdesisyunan namin na okay, kung kailangan natin maghiwalay, eh 'di maghiwalay muna tayo,” sabi ni Buboy.

Sinubukan nina Buboy at Angillyn na ayusin pa ang kanilang relasyon sa loob ng dalawang taon, kaya nabuntis pa si Angillyn.

“Kaso dumating sa point na, 'Okay, [na-try] natin, hindi kaya, so baka kailangan natin... masyado nating pinu-push 'yung sarili natin na gawin itong mga ito kasi masyado tayo nagpapaapekto sa mga tao na noong nag-trend tayo dati na baka 'Walang forever!', masyado nating pinu-push na patunayan natin ang forever,” anang Kapuso actor at comedian.

Nilinaw pa ni Buboy na hindi third party ang dahilan ng kanilang break-up.

“Thank God dahil magkaayos kami ni Angillyn. Nagkakausap kami sa mga anak namin at maganda ang plano namin para sa mga anak namin.” —LBG, GMA News