Ipinaliwanag ng mag-asawang sina Megan Young at Mikael Daez kung bakit "Bonez" at "Fofo" ang kanilang terms of endearment para sa isa't isa.

"For the first time puwede kong ipakita kung saan galing 'yung term na Bonez!" kuwento ni Mikael sa "Mars Pa More," habang turo-turo ang collar bone ni Megan.

"This is our first year together. Tapos may ginagawang PE homework si Bonez, nagpu-push up siya. Habang nagpu-push ups, lumabas 'yung collar bones. So inaasar ko siya na Bonez and it just stuck so 'yun na 'yung naging nickname niya forever,"  dagdag ni Mikael.

Ipinaliwanag din ni Mikael kung bakit naman "Fofo" ang tawag sa kaniya ni Megan.

"'Yung kuwento nito is when my older brother, nahuli ko siya sa banyo nagyoyoga. Tapos siyempre sobrang nainis siya dahil nahuli ko siyang nagyoyoga. So hinabol niya ako sa buong bahay tapos nu'ng nakuha niya ako, gusto niya akong murahin, sabi niya 'Fofo!' nabulol siya, ang gusto niyang sabihin is 'Mofo,'" kuwento pa ng Kapuso actor.

"Sobrang natuwa ako dahil nabulol siya habang hinahabol niya ako. Nu'ng kinuwento ko kay Bonez natawa rin siya. And for the rest of my life tinatawag na niya akong 'Fofo,'" ani Mikael.

"May mas sweet na version. Sa Portuguese I think, correct me if I'm wrong, ang meaning ng 'Fofo' ay cute," ayon naman kay Megan.

Dalawa ang naging kasal nina Megan at Mikael: Isa noong Enero 10, 2020 sa Batangas at isa noong Enero 25 sa San Roque Church sa Subic. – Jamil Santos/RC, GMA News