Dahil sa pandemya, nasubok din ang samahan nina Barbie Forteza at Jak Roberto, at nalaman nilang seryoso sila sa kanilang relasyon.

Sa programang "Brigada," ibinahagi ng "JakBie" kung paano nila binubuo ang kanilang mga konsepto para sa kanilang Tiktok at vlog entries na kinagigiliwn ng netizens.

Isa na rito ang kinasahan nilang "Jojowain o Totropahin Challenge."

ADVERTISEMENT

At dahil quarantine, sa online lang din muna nagdiwang ng kanilang anniversary sina Jak at Barbie.

"Doon ko talaga na-realize na seryoso kami sa isa't isa kasi talagang um-effort din naman kaming dalawa para mag-work 'yung relationship namin," sabi ni Barbie.

Inalala naman ni Jak kung paanong ang mga magulang muna ni Barbie ang kaniyang niligawan bago ang aktres.

"Ka-close ko na si tito noong 'Meant To Be,' hindi niya alam. Tapos si tita hindi niya alam na magka-chat na kami sa IG about pets," kuwento ni Jak.

"Bago pa niya ako ligawan, buo sa isip niya na 'yung relasyon hindi lang within sa aming dalawa. Package deal talaga 'yung family ko, which is tama kasi 'yun talaga ang gusto ko," sabi ni Barbie.

Nagbigay ng payo ang JakBie kung paano mapananatili ang isang relasyon.

"Kung seryoso ka talaga sa relasyon mo with your partner, gagawa at gagawa ka ng paraan para mag-work kahit magkahiwalay kayo physically," sabi ni Barbie.

"Mahalaga 'yung communication. Ngayong may pandemic na talagang ina-avoid natin 'yung mga gathering gathering, sa ganu'ng paraan iparamdam niyo sa karelasyon niyo na nandiyan kayo," para naman kay Jak. --FRJ, GMA News