Sa pagiging guest ni Bojo Molina sa programang "Just In," binalikan ng host ng nabanggit na online show na si Paolo Contis ang panahon nang mainis sa kaniya si Bojo at si Diether Ocampo nang dahil sa kaniyang kakulitan.

Kasabay  ng pagbabalik-tanaw ni Bojo sa kaniyang showbiz career, sinariwa rin nila ni Paolo at Bojo ang mala-pamilyang samahan nila noon sa isang programa kung saan maging si Bojo ay nakulitan kay Paolo.

"Natatandaan mo ba sa Oka Tokat (pangalan ng programa) muntik mo akong hampasin ng maglite?," natatawang paalala ni Paolo kay Bojo.

"Correct!," natatawang sagot naman ni Bojo. "Natatandaan ko rin 'yung story no'n. Medyo bata pa tapos makukulit, lahat tapos kung anu-anong eksperimento ang ginagawa natin sa buhay."

Patuloy pa ni Paolo sa masaya niyang kuwento, "Meron ding time na sobrang binuwisit ko si Diether [Ocampo], gusto kaming gulpihin ni Mark. Kami lagi ni Mark Solis niyan eh. Tapos ikaw at tsaka si Jericho (Rosales), kayong dalawa, kayo 'yung [umawat] kay Deither na 'Uy, bata 'yan.'"

Dahil dito, sinulit ni Paolo ang pagkakataon para pasalamatan si Bojo.

"Nu'ng sinabi sa akin na pumayag ka to guest, sabi ko ibi-bring up ko 'yun kasi I'm not sure, siyempre noong bata ako para sa akin naman, siyempre kuya kita, kailangan mo akong ipagtanggol pero you didn't have to. So I thought like I have to thank you for that. Totoo 'yun, gugulpihin kami ni Diether Ocampo," sabi pa ni Paolo na wala pa ring tigil sa pagtawa.

Pero paglilinaw ni Bojo, parang away-kapatid lang ang nangyari bilang isang pamilya na nagkukulitan.

Nakabase na ngayon sa Guam si Bojo at may dalawang anak sa asawang si Johansen Kwe.

Kamusta na nga ba si Bojo at ang kaniyang pamilya? Naiisip pa kaya niyang bumalik sa showbiz? Alamin sa video.

--FRJ, GMA News