Tahimik na naninirahan ngayon sa Guam ang dating aktor na si Bojo Molina, kasama ang kaniyang pamilya. Ang dahilan kung bakit niya iniwan ang showbiz sa kabila ng maganda niyang career noon, alamin.

Sa panayam sa kaniya ni Paolo Contis sa programang "Just In," ikinuwento ni Bojo na nagpaplano na sila noonng kaniyang non-showbiz partner na si Johansen Kwe, bago pa man niya iwanan ang showbiz.

"I was 29 years old na. I was into that point na, 'Should I start a family or not?' na eh, umabot na ako sa ganoon, 29 years old," panimula ni Bojo.

"Fortunately, noong dumating ako dito (Guam) tinawagan ko si Jen. Jen was deciding to move na to San Diego at that time, nandito pa rin siya. Nagkita kami and sabi nga namin, 'O eto na tayo, sige na, mag-start na tayo ng bago nating buhay,'" patuloy nia.

Aminado naman siya na hinahanap-hanap niya ang showbiz pero gusto niya talagang magkaroon na ng panibagong buhay.

"I would say talagang change of lifestyle na 'yung hinahanap ko. Pero don't get me wrong, I love the industry, I still miss acting, 'yun ang pinaka-nami-miss ko, alam mo naman tayo eh. Kaya lang sometimes, 'Should I stay or should I go now to start with a new life?' Doon na, 'yun na 'yung nag-decide sa akin," anang aktor.

Nakabase na ngayon sa Guam si Bojo at ang kaniyang asawa, at mayroon na silang dalawang anak.

"One of the reasons why is my wife, definitely my wife," ani Bojo.

"Talagang mahirap kasi you have everything at that time, tapos pagdating mo dito back to zero ka," dagdag niya.

Gayunman, kilala na raw ni Bojo ang kaniyang sarili sa tulong ng showbiz industry kaya alam na niya ang ginawa niyang desisyon.

"Mahirap talaga. Kasi nga 'yung mga nakasanayan mo at kung ano 'yung meron ka, kung ano 'yung nagagawa mo, kung gaano ka i-treat ng ibang tao sa Pilipinas versus dito," saad niya.

"Nag-start ako sa Cabuyao (Laguna) when I finished college, tapos nag-start ako until 21, 22 hanggang 29 nasa industry ako ng show business. Tapos from 30 hanggang my age right now, 47, ito na ang bagong buhay ko. May chapters talaga. And I would say no regrets," sabi pa ni Bojo.

Napanood noon si Bojo sa youth oriented show na "Gimik."-- FRJ, GMA News