Aminadong kinikilig si Sanya Lopez nang malaman niyang siya na ang magiging leading lady ni Gabby Concepcion sa upcoming Kapuso primetime series na "First Yaya."

Sa panayam ng Kapuso Showbiz News, inilahad ng aktres ang kaniyang first impression sa batikang aktor.

"Siya yung pakiramdam ko tinitingala ng lahat. Ganun siya," saad ni Sanya.

"Magaling na aktor, very professional and siyempre guwapo po."

Tingin din ni Sanya, bagay kay Gabby ang kahit sinong itambal sa aktor.
"Parang lahat ng i-partner sa kaniya bagay. Kaya niyang dalhin yung kilig kahit yung tingnan ka lang niya," patuloy niya.

Ayon pa kay Sanya, kilig na parang fan ang naramdaman niya nang malaman na magtatambal sila ni Gabby sa serye.

Sinabihan umano siya ng kanilang direktor na huwag munang aalisin ang naturang nararamdaman na "kilig ng fan" dahil kailangan umanong makita ito sa kanilang eksena.

Sa naturang serye, gagampanan ni Gabby ang karakter na presidente ng bansa, at magiging yaya ng kaniyang mga anak si Sanya.

Inihayag din ni Sanya na handa naman siya kung sakaling kailanganin na magkaroon sila ng intimate scene ni Gabby sa serye.--FRJ, GMA News