Masayang ibinalita ng Kapuso actress at "Just In" co-host na si Vaness del Moral na ipinagbubuntis niya ang unang baby nila ng kaniyang mister na si Matt Kier.

Inihayag ito ni Vaness sa kaniyang Instagram at YouTube channel.

“Excited to meet our little one,” saad ni Vaness.

Sa kaniyang vlog, ipinakita ng aktres ang kaniyang pregnancy test at sonogram image ng baby.

Inilihim daw ito ni Vaness sa kaniyang mister hanggang nitong Oktubre 19 para sa kaarawan ng kaniyang kabiyak.

“Ako pa lang may alam hindi ko pa sinasabi kay Matti, balak kong sabihin sa kanya sa birthday pa niya which is on the 19th. Wish me luck na hindi ako mabuko these coming days,” sabi ng aktres.

Ibinahagi rin ni Vaness ang mga eksena nang sabihin na niya kay Matti ang magandang balita.

Ikinasal sina Vaness at Matt sa Baguio noong 2018. – FRJ, GMA News